Hindi na nakalabas ng police station sa Davao City ang isang lalaking kukuha lang sana ng police clearance nang makitang mayroon siyang pending arrest warrant sa kasong carnapping.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagpoproseso ng mga rekisito sa papasukang trabaho ang lalaki, kabilang ang police clearance.
Pero nang suriin ng mga awtoridad ang kaniyang record, lumitaw na mayroon siyang warrant of arrest sa kasong carnapping sa General Santos City.
Inamin naman ng lalaki ang asunto pero sinabi niya na hindi niya sinasadyang tangayin ang sasakyan na isa palang motorsiklo.
Sinumpong daw kasi siya noon ng Alzheimer's disease, at naisauli na raw niya ang motorsiiklo.
Pero sa kabila ng paliwanag, hindi na nakalabas ng presinto ang lalaki at inaresto para harapin ang kaniyang kaso sa General Santos City. --FRJ, GMA News