Sisilipin ng pulisya ang lahat ng anggulo sa posibleng motibo sa ginawang pag-ambush at pagpatay sa isang barangay chairman na kandidatong konsehal sa Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing tinambangan ng mga salarin na sakay ng motorsiklo si Alvin Mendoza sa Barangay Magliman sa Bacolor, Pampanga.
Si Mendoza ay chairman ng Barangay Alasas sa San Fernando City, Pampanga, at tumatakbong konsehal sa darating na halalan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang riding in tandem na sumabay at pinaputukan ang biktima sa loob ng sasakyan.
Nang tumigil ang sasakyan ni Mendoza, tumigil din ang riding in tandem at bumaba ang gunman at muling pinagbabaril ang biktima.
Maya-maya pa, isang lalaki na sakay din ng motorsiklo ang dumating at pinaputukan din ang biktima.
Tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
"Talagang may intensyon sila [salarin] na patayin ang biktima sa nakikita naman natin sa CCTV. Pinag-aaralan pa namin ang motibo [sa krimen] although kandidato itong biktima pero hindi natin masabi na yung talaga ang motibo," ayon kay Police Colonel Alvin Consolacion, acting Director, Pampanga-PPO.
Sinabi ni Consolacion na lahat ng anggulo sa posibleng maging motibo ng krimen ay sisilipin sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya para tutukan at lutasin ang nangyaring pagpatay sa biktima.
Kinondena rin ng pamahalaang panglalawigan ng Pampanga ang ginawang pagpatay kay Mendoza.
Nag-alok sila ng pabuya sa sinomang makapagtuturo sa mga salarin o ikalulutas ng krimen.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang naulilang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News