Patay ang isang 19-anyos na binata, habang sugatan ang kaibigan niyang 16-anyos matapos silang saksakin ng isang menor de edad sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Ang mga biktima, "nakursunadahan" lang umano ng suspek.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang nasawi na si Justin Montero Luna.

Nangyari ang krimen sa plaza ng Pinamalayan.

Ayon sa pulisya, hindi na umabot ng buhay sa ospital si Luna dahil sa tinamong saksak sa dibdib at sikmura.

Nagtamo naman ng saksak sa likod ang kaibigan ni Luna. Tinutulungan daw nito si Luna nang atakihin ng suspek sa likod.

Kaagad na tumakas ang menor de edad na suspek matapos gawin ang krimen. Pero naaresto rin siya kinalaunan ng mga awtoridad.

Ayon sa imbestigasyon, nakursunadahan lang umano ng suspek ang mga biktima.

Dahil menor de edad, inilagay ang suspek sa kostudiya ng municipal welfare office. --FRJ, GMA News