Patay sa pananaksak ang isang ginang at dalawa niyang batang anak na edad tatlo at apat sa San Quintin, Pangasinan. Ang suspek, kamag-anak nila na nagalit nang hindi umano makautang.

Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing nangyari ang malagim na krimen sa loob ng tahanan ng mag-iina sa Barangay Lagasit sa nasabing bayan ng San Quintin.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na matagal nang may alitan ang suspek na si Dexter Lichauco at ang ginang na biktima.

Nagtalo raw ang dalawa nang hindi pautangin ng ginang si Dexter na humantong sa pananaksak ng salarin sa mag-iina.

Umamin umano ang suspek sa ginawang krimen nang arestuhin ng mga pulis.

Mahaharap ang suspek sa reklamong three counts of murder.--FRJ, GMA News