Bumulaga sa isang opisina ng simbahan ang isang Philippine cobra o mas kilala bilang "almuranin" sa Boac, Marinduque.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, na iniulat din ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing tatlong metro ang haba ng namataang ahas.

Agad namang nag-ulat ang staff ng simbahan sa Animal and Wildlife Rescue Emergency Response, na kinuha ang ahas at pinakawalan sa ligtas na lugar at malayo sa pamayanan.

Sinabi ng mga awtoridad na talagang maraming cobra sa kanilang lugar.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na kapag nakakita nito, huwag sila basta-basta lalapitan.

"Hindi dapat pinapatay 'yung mga ganitong uri ng hayop dahil sila 'yung bumabalanse sa ecosystem. Isa rin sila sa mga pamamaraan para hindi [dumami] 'yung populasyon ng daga na nakakaperhuwisyo sa pananim ng mga magsasaka," sabi ni Marinduque provincial veterinarian JM Victoria. —Jamil Santos/VBL, GMA News