Dalawang babaeng angkas ang nasawi at tatlong iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidenteng nangyari sa Quezon at Batangas.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang nasawi sa motorcycle accident na nangyari sa Tayabas, Quezon na si Maria Floresa Adarayon, 24-anyos, residente sa Cavite.

Sugatan naman ang rider ng sinasakyan niyang motorsiklo na si Sem Barbacena, 27-anyos, kinakasama ni Adarayon.

Ayon sa awtoridad, papunta sa Lucena ang mga biktima at tinatahak ang Mayuwi Road sa Tayabas nang iwasan nila ang isang truck.

Pero dumulas umano ang motorsiklo na dahilan para tumilapon ang mga biktima.

Dead on arrival sa pagamutan ang babae, habang nagpapagaling naman ang rider sa tinamong pinsala sa katawan.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck at patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Sa Tuy, Batangas, nasawi rin ang angkas na si Elsa Mendoza, 41-anyos, matapos salpukin ng kotse sa likuran ang sinasakyan niyang motorsiklo sa national highways sa bahagi ng Barangay Tuyon- tuyon.

Sugatan din sa aksidente ang angkas na anak niya na 10-taong-gulang, at ang mister niyang rider ng motorsiklo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, parehong patungo sa town proper ng Tuy ang dalawang sasakyan nang mabangga ng kotse ang hulihang bahagi ng motorsiklo.

Tumilapon ang mga biktima na dahilan ng pagkasawi ng ginang.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng kotse.--FRJ, GMA News