Nag-unahan at nagkatulakan ang mga mamimili para makauna sa pagkuha ng used clothing nang magbukas ang Ukay-ukay store sa isang pamilihan sa Kidapawan City.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing maagang nag-abang sa labas ang mga tao at nag-unahan na makapasok sa tindahan nang magbukas na.
Halos matumba na ang mga estante sa dami ng tao at pagtutulakan.
Ayon sa mga namimili na reseller o ibebenta rin ang bibilhing mga damit, mura at maganda raw kasi ang kalidad ng damit doon.
Wala nang nagawa ang may-ari ng tindahan sa pagdagsa ng mga tao na ang iba walang suot na facemask.
Kamakailan lang, nakuhanan din ng video ang agawan at balyahan ng mga namimili ng ukay-ukay sa isang pamilihan naman sa Lupon, Davao Oriental.
Gusto raw kasi ng mamimili na makauna sila sa damit na galing daw sa South Korea.
--FRJ, GMA News