Nauwi sa karahasan ang pagtatalo ng isang ginang at kaniyang kinakasama dahil sa basurang sinunog ng kanilang kapitbahay sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing kapwa inoobserbahan sa magkahiwalay na ospital ang ginang na itinago sa pangalang "Helen," at ang kinakasama niyang si "Benjo," hindi rin tunay na pangalan.
Ayon kay Helen, pinagsusuntok at minartilyo siya ni Benjo kaya napilitan siyang saksakin ang kaniyang kinakasama.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagalit si Helen sa ginawang pagsusunog ng basura ng kanilang kapitbahay.
Pero hindi naman umano nagustuhan ni Benjo ang pagbubunganga ni Helen na nauwi sa pananakit sa ginang.
"Sinuntok agad yung ulo ko hindi man lang nagtanong. Hindi ko na rin alam kung ilang beses niyang minartilyo yung ulo ko," ayon kay Helen.
Nang makakuha ng kutsilyo, sinaksak niya ng apat na beses sa tagiliran si Benjo para umano ipagtanggol ang sarili.
Nasugatan din sa braso ang 89-anyos na ina ni Benjo na nagtangkang umawat sa dalawa.
Ayon kay Helen, hindi niya sinadyang masaktan ang ina ni Benjo.
Sinabi ng pulisya na nagpahayag na si Benjo na hindi na magsasampa ng reklamo laban kay Helen.
Pareho pa silang inoobserbahan sa pagamutan. Umaapela naman ng tulong ang anak ng dalawa dahil sa lumalaking gastusin ng kaniyang mga magulang sa ospital. --FRJ, GMA News