Walang malay na humandusay sa gitna ng kalsada ang isang 19-anyos na lalaki matapos siyang masalpok ng isang kotse sa Dagupan City, Pangasinan. Ang driver na nakabangga, umalis.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Bonuan Gueset, ang pagbaba mula sa isang motorsiklo ng biktima si Rick Romen Ubando.
Nasa kabilang bahagi noon ng kalsada si Ubando at tumawid nang bigla siyang masalpok ng kotse.
Tumilapon ang biktima at walang malay na humandusay sa gitna ng kalsada.
Sandali namang tumigil ang kotse pero umarangkada din kinalaunan at iniwan ang biktima.
"Nakita niyang [driver] humandusay yung lalaki [biktima] kaya tumakbo. Natakot na po siguro," ayon kay Richard Ibasan, hepe ng mga tanod ng barangay.
Nang dumating ang rescue unit, dinala ang biktima sa ospital at mapalad na nakarekober mula sa aksidente.
Gayunman, paiika-ika pa siyang maglakad nang makapanayam sa kanilang bahay.
Natunton naman kinalaunan ang kinaroroonan ng driver sa tulong ng mga residente sa lugar.
Sa kabila nang nangyaring pag-iwan sa biktima, hindi na umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ni Ubando laban sa driver.
Nangako umano ang driver na tutulungan si Ubando sa pagpapagamot.
"Naawa rin kami sa kaniya tapos ang anak ko okey na din po," anang ina ng biktima.
--FRJ, GMA News