Isang 18-anyos na lalaki ang umamin umano sa ginawang pagsaksak at pagpatay sa kaniyang ina at nakababatang kapatid na babae sa Quezon. Nadamay din ang dalawa nilang kapitbahay, at isa sa kanila ang nasawi rin.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na mag-inang Rosita Lazo, 54-anyos at Rose Ann, 16, ng Barangay Madulao sa Catanauan, Quezon.
Nasawi rin ang kapitbahay nilang si Kenesha Angela Alyaga, habang isa pang kapitbahay ang nasugatan na si Loreta Donor.
Naaresto naman ng mga awtoridad kinalaunan at umamin umano sa krimen ang suspek na si Rey John Lazo, 18-anyos, anak ni Rosita.
Ayon kay Police Captain Lindley Tibuc, acting chief ng Catanauan Police Station, itinuro ng suspek kung saan nito itinapon ang patalim na ginamit sa krimen.
Inihayag pa ni Tibuc na sinabi umano ng suspek na lasing siya nang gawin ang krimen.
"Nakainom siya tapos pag-uwi niya napagalitan siya. Sinabihan na huwag na daw siyang umuwi," anang opisyal.
"Ayon lang po sa kaniya pero may tinitingnan pa rin po kaming anggulo. Posible pong may iba pang motibo ito kaya nagawa niya kasi pati yung kapitbahay napatay niya," patuloy ni Tibuc.
Sasampahan ang suspek ng kasong parricide at double murder. --FRJ, GMA News