Arestado ang isang 23-anyos na lalaki na may reklamong panghahalay sa menor de edad niyang nobya sa Malolos, Bulacan. Ang suspek na galing pa sa Tacloban City, nilalagyan ng pampahilo ang softdrinks at pagkain na ibinibigay sa biktima.
Sa ulat ni Ian Cruz sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Raymart Adolfo, isang bartender.
Nadakip siya ng pinagsanib na puwersa ng Tacloban City at Malolos City Police, matapos gamitin ng mga awtoridad bilang pain ang babaeng nakilala at nakausap ng suspek sa social media.
Dinakip si Adolfo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Tacloban Regional Trial Court.
Wanted ang suspek sa Tacloban sa kasong three counts of rape sa menor de edad niyang nobya.
Ayon kay Police Lieutenant Barry Baluyot, tracker team head ng TCPO, nangyari ang panghahalay noong 2016, kung saan binantaan ng suspek ang biktima na sasabihan niya sa mga magulang nito ang nangyari sa kanila kung hindi ito papayag na makikipagtalik muli.
Pumapayag ang menor de edad dahil sa takot.
May mga pagkakataon pang binibigyan ni Adolfo ang biktima ng softdrinks at pagkain, saka mahihilo ang biktima.
Nakarating ng Luzon ang suspek mula Eastern Visayas para magtago. Ilang beses nagpalipat lipat ng lugar ang suspek hanggang sa matunugan ng pulisya na nasa Central Luzon siya.
"Base sa aming intelligence information, mahilig siyang makipag-date, makipagkaibigan sa mga babae through social media or other platforms... Kaya naniniwala kami na sa pamamagitan noon, makukuha namin 'yung whereabouts nitong suspek na ito," ayon kay Baluyot.
Hindi pa handang magpaunlak ng panayam si Adolfo sa kasalukuyan.
Agad ibabalik sa Tacloban si Adolfo upang para humarap sa korte kapag nakumpleto na ang travel requirements dahil sa paghihigpit ngayong umiiral ang COVID-19 pandemic. — Jamil Santos/VBL, GMA News