Tatlong hinihinalang kidnaper ang naaresto sa ikinasang rescue operation ng mga awtoridad sa Cateel, Davao Oriental. Pero hindi na inabutan ng buhay ang isa sa dalawang biktima na sasagipin.
Ayon sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, tatlong biktima ang dinukot umano ng tatlong suspek na sina Veloso Magquidong, Joel Magquidong, at Franklin Medija.
Dalawa umano sa mga suspek na ito ay dating mga rebelde.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing dinala ng mga kidnaper ang mga biktima sa mabundok na bahagi ng Barangay Malibago sa nasabing bayan.
Kinalaunan, pinalaya ng mga kidnaper ang isa sa mga biktima para maghanap umano ng P300,000 para mapalaya rin ang dalawa pang biktima.
Pero nagsumbong sa mga awtoridad ang nakalayang biktima kaya ikinasa ng mga pulis, kasama ang ilang sundalo, ang rescue operation.
Gayunman, patay na at ginilitan ang leeg ng babaeng biktima nang makita ng mga awtoridad. Habang ang menor de edad na isa pang biktima, nagawa raw makatakas pa man makarating ang rescue operatives.
Mahahaharap sa patong-patong na kaso ang mga suspek. --FRJ, GMA News