Sampayan na nadikitan umano ng nabalatang extension wire ang pinaniniwalaang dahilan ng pagkakakuryente ng tatlong miyembro ng isang pamilya sa Candon City, Ilocos Sur. 

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabi ni barangay kagawad Raymond Tabuso na inabutan niya sa kanilang bakuran sa Barangay Amguid, na nakahandusay na ang kaniyang asawa na si Marlene, anak nilang si John Raymart, at si Lolo Rolando.

Magsasampay umano ang kaniyang asawa nang bigla itong makuryente at bumagsak. Sumaklolo naman ang anak nilang si John Raymart pero siya man ay nakuryente rin.

Sunod naman na tutulong sana sa mag-ina si Lolo Rolando pero siya man ay nakuryente rin.

"Nakita ko yung malaking sugat sa leeg ng asawa ko, duguan ang bunganga niya. Magkatabi sila ng anak ko," ayon kay Raymond.

Sa tatlo, tanging ang inang si Marlene ang nailigtas at nagpapagaling na.

Ang nabalatang extension wire na ikinabit sa kubo na malapit sa bahay ang nakikitang sanhi ng trahediya.

Posibleng umanong hinangin ang nabalatang extension wire at dumikit sa alambre.

"Allegedly may gasgas yung extension wire na naka-connect sa sampayan. At siguro 'yon yung sanhi ng pagkakakuryente nitong pamilya," ayon kay Police Leiutenant Coronel Randy Arellano, hepe ng Candon City Police.

Humiling ng pinansiyal na tulong ang pamilya.--FRJ, GMA News