Patay ang isang 64-anyos na lalaki sa San Fernando, La Union, matapos siyang pugutan umano ng kaniyang pinsan na bagong laya sa kulungan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Buenvenito Bautista Jr, ng Barangay Pagdalagan.
Matapos namang maghamon sa mga pulis, naaresto rin ang suspek na si Eduardo Marzo, 63-anyos.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joffrey Todeno, hepe ng San Fernando Police, kalalabas lang ng Bilibid ni Marzo, na nakulong din noon dahil sa kasong pagpatay.
Nakuha umano ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang ilang damit na may dugo at pangtaga.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ni Marzo sa ginawang krimen pero ipasusuri siya sa psychiatrist kung may problema siya sa pag-iisip.
"Hanggat wala ang katibayan na 'yon na mayroon siyang diperensya sa utak we will build the case as a plain murder," anang opisyal.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, at hindi pinayagan ang mga mamamahayag na makapanayam ang mga kaanak ng suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon. --FRJ, GMA News