Patay ang isang barangay kagawad sa Oas, Albay na rumesponde lang sa nangyaring aksidente, na iyon pala ay isa nang kaso ng pagkuha umano ng isang pulis sa Indian national na kaniyang pinagkakautangan.
Sa ulat ni Jessie Cruzat sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang mga nasawing biktima ng pamamaril na sina Marlon Rebusquillo, kagawad ng Barangay Mapurong, Albay, at Indian national na si Parmindes Singh, na mula sa bayan ng Polangui.
Naaresto naman ang suspek na si Corporal Bryan Aguilar, nakatalaga sa Polangui police station, at ang kaniyang kapatid na si Raymond.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na kinuha sa Polangui at isinakay ng magkapatid na suspek sa isang kotse si Singh, hanggang sa makarating sila sa Oas.
Pero naaksidente ang kotse sa Oas kaya rumesponde sa lugar si Rebusquillo.
Doon na umano nangyari ang pamamaril ng pulis na si Aguilar sa dalawang biktima.
Nadakip ng mga awtoridad ng Oas si Aquilar, habang ang pulis sa Polangui naman ang nakaaresto sa kaniyang kapatid.
Habang nakadetine sa himpilan ng pulisya, nagtangka pa umanong magpakamatay ni Aguilar sa pamamagitan ng paglaslas ng pulso pero naagapan ito at nadala kaagad siya sa ospital.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ang pagkalulong sa sugal at malaking utang ni Aguilar kay Singh ang dahilan kaya nagawa ng pulis ang naturang krimen.
Umaabot umano sa P400,000 ang utang ng pulis kay Singh, bukod pa sa iba nitong personal na pinagkakautangan.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa magkapatid na suspek.--FRJ, GMA News