Isang van ang naaksidente at ilang ulit bumaliktad matapos mag-overtake sa isang tricycle sa Ibajay, Aklan. Nasawi ang sakay nitong lola at sugatan ang 17 pang pasahero.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ni Police Corporal Daniel Morris Gallano, na dakong 6 a.m. nitong Biyernes nang mag-overtake ang passenger van sa sinusundang tricycle.
Pero tumama ang van sa isang pickup truck na nakaparada naman sa gilid ng kalsada na malapit sa kainan.
“Iniwasan niya ‘po ‘yung nakaparadang pickup truck, tapos ‘pag biglang kabig niya po pakaliwa, biglang tumama po ‘yung puwetan ng van doon sa nakaparadang pickup truck, tapos ‘yun na po ‘yung naging sanhi ng kanya pong hindi nakontrol at nagpaikot-ikot po ng ilang beses,” ayon sa pulis.
Nasawi ang isang 63-anyos na lola, habang dinala naman sa ospital ang 17 sugatan, kabilang ang ilang bata.
Apat sa mga sugatan ang nananatili pa sa ospital, at tatlo sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19. Kabilang ang isang bata na nasa intensive care unit sa COVID-19 ward.
Naka-isolate naman ang ibang pasahero.
Tumakas at pinaghahanap ang driver ng van na si Feljun Caberoy.
“‘Pag mayroon tayong biyahe na mahaba, magkaroon po tayo ng sapat na pahinga. Advisable po na dito sa kaliwa po mag-overtake para maiwasan natin ‘yung kagayang obserbasyon na meron pa lang naka-park don,” paalala ni Gallano.
— FRJ, GMA News