Patay ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos siyang barilin sa Sual, Pangasinan. Ang biktima, nagbabakasyon lang sa kaniyang pamilya nang mangyari ang krimen.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Apprentice Seaman Angelo Martinez, 23-anyos, nakatalaga sa Batangas.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima sa nakaparada niyang motorsiklo sa gilid ng kalsada sa Barangay Bolaoen.

Maya-maya lang, natumba na ang biktima ay may taong naglakad palayo sa pinangyarihan ng krimen.

Dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .9mm na baril ang nakita ng mga imbestigador sa lugar.

"Actually nag-usap sila medyo ano ang usapan nila at naupo pa sila sa sirang waiting shed doon bago siya binaril ng gunman. Yung nga nakakapagtaka kasi nag- usap pa sila," ayon kay Police Captain Roger Calderon, hepe ng Sual Police Station.

Ayon sa kaanak ng biktima, pauwi na si Martinez matapos na bisitahin ang kaklase na miyembro rin ng PCG.

"May kausap siya sa cellphone parang huminto lang siya doon sa kanto papasok sa amin kasi may kausap," saad ng kapatid ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.

--FRJ, GMA News