Napalitan ng pagdadalamhati ang masayang selebrasyon ng kaarawan ng isang padre de pamilya sa Ilocos Sur, nang maaksidente ito sa kalsada sa paghatid ng bisita.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Bateria, sa bayan ng San Esteban.
Ikinuwento ng anak ng biktima sa mga imbestigador na maghahatid sana ng bisita ang biktima gamit ang garong [isang uri ng tricycle] nang makabanggaan nito ang isang tricycle.
"Sabi namin huwag ka nang pumunta, hintayin mo na lang si kuya, sabi namin pero nagpumilit siya," ayon sa anak.
Kaya nagdesisyon ang isang anak ng biktima na sumama na sa paghatid.
"Nakasalubong niya yung isang tricycle pero itong kurong-kurong nagpasuray-suray na yung takbo. Kaya umagaw siya doon sa linya ng tricycle na kasalubong," ayon kay Police Major Daniel Burgos, hepe ng San Esteban Police.
Tumama ang ulo ng biktima sa sementadong kalsada na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sugatan naman ang dalawang sakay ng garong, at ang sakay ng tricycle.
"Masakit, talagang hindi namin matanggap. Sabi nga ni mama, mas mabuti na sana kung sakit yung ikinamatay ni papa hindi yung ganung na talagang nadisgrasya," anang anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente.--FRJ, GMA News