Patay ang isang lalaki sa mismong araw ng kaniyang kaarawan matapos siyang barilin sa ulo ng nakaalitan niyang pulis sa Cabuyao, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ng isang establisyimento ang paglapit ng suspek na kinilalang si Police Corporal Kirk Ilagan, sa grupo ng biktimang si Bryan Ian Perez.
Ilang saglit pa, pinaputukan na ni Ilagan sa ulo ang nakatayong si Perez.
Pinaputukan din ng pulis ang mga kainuman ng biktima na nagtago sa ilalim ng lamesa at may mga nagtakbuhan.
Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Cabuyao Police si Ilagan, na naka-assign bilang Intelligence Officer sa Cabuyao Police.
Sinabi ng pulisya ng lumitaw sa kanilang pagtatanong na nag-ugat daw ang pamamaril ng suspek nang makasagutan nito ang biktima nang magtagpo sila sa banyo ng establisyimento.
"Noong mag-CR siya, sinundan daw siya ng biktima. Ngayon pinagmumura raw siya," ayon kay Cabuyao Police Chief of Police Police Lieutenant Colonel Don Salisi.
"Talagang fatal dahil lumapit 'yung ating suspek sa biktima, talagang tutukan niyang binaril ito," dagdag niya.
Hindi matanggap ng mga kaanak ni Perez ang kaniyang sinapit, na namatay sa kaniyang mismong kaarawan.
"Sobrang sakit ng ginawa niya. Dapat po talaga matanggal siya sa pagkapulis," sabi ni Lisa, kinakasama ng biktima.
Tiniyak naman ni Salisi na hindi nila kukunsintihin ang kabaro nilang nagkasala.
"'Yung kaso na isinampa namin ay ang kasong murder," ayon kay Salisi.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng suspek na nakakulong na sa Cabuyao Police Station.--Jamil Santos/FRJ, GMA News