Dalawang menor de edad na sakay ng mga motorsiklo ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente makaraang silang salpukin ng isang AUV at isang jeepney sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, nasawi si Cristwill Versoza, 14-anyos, nang salpukin ng isang Tamaraw FX ang sinasakyang niyang motorsiklo sa Barangay Caburao sa Santiago, Ilocos Sur.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakaangkas sa motorsiklo si Verzosa na minamaneho naman ng isa ring menor de edad nang salpukin sila ng FX, at nakaladkad pa ng 10 metro ang layo.
Nakaligtas naman pero nagtamo ng mga sugat ang kasama niyang rider.
Ayon kay Police Lieutenant Godofredo Ribuyaco, hepe ng Santiago Police staton, ipinaliwanag ng driver ng FX na hindi raw kumapit ang preno ng kaniyang sasakyan.
Pero may nakita raw na maigsing marka o skid mark sa lugar ng insidente na palatandaan na nahuli sa pagpreno ang driver ng sasakyan.
Ayon sa ama ng biktima, tumama ang ulo ng kaniyang anak sa windshield at sinabi ng duktor na nabasag ito.
Samantala sa bayan ng Sta. Lucia, nasawi ang 17-anyos na rider na John Taqueban, nang salpukin ng isang jeepney ang minamaneho niyang motorsiklo sa Barangay San Juan.
Nag-overtake umano ang jeepney sa isang tricycle at hindi nito napansin ang kasalubong na motorsiklo ng biktima na nasa kabilang linya ng kalsada.
Sinabi ng ina ng biktima, na isasampa pa rin nila ang kaso laban sa driver ng jeep at saka na lamang sila makikipag- usap muli kapag nailibing na ang kaniyang anak.
Ayon naman kay Police Lieutenant Albert Lucero, hepe ng Sta Lucia Police Station, ipinaliwanag ng piskal sa pamilya ng biktima na mayroon ding pananagutan sa insidente ang menor de edad na rider.--FRJ, GMA News