Isa ang patay, habang isa pa ang sugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril na nag-ugat umano sa ingay ng tambutso sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing nasawi si Jimmy Cabus, 51-anyos, sa bayan ng San Esteban matapos umanong barilin ng tricycle driver na si Ely Vidal.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinita ng barangay tanod na si Herny Cabus Jr., ang suspek dahil sa maingay nitong tambutso.
Nagalit ang suspek at binaril si Jimmy, na kasama ng tanod.
Ayon sa pulisya, itinanggi umano ng suspek na sa kaniya ang baril pero may mga testigo na magpapatunay na dala niya ang baril.
Sa bayan naman ng Cervantes, nakaligtas sa pamamaril ang 21-anyos na si Hinaro Jake Ramirez matapos siyang barilin ng kapitbahay niyang menor de edad sa barangay Comillas North.
Nagtamo ng tama ng bala sa braso ang biktima na tumagos sa kanilang likod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpalakasan umano sa ingay ng tambutso ang biktima at suspek na nauwi sa alitan.
Sumugod umano ang suspek na armado ng .9mm na baril at pinaputukan ang biktima.
Hindi narekober ang baril pero may nakitang sling bag na may laman na dalawang magazine at mga bala ng .9mm.
Nadakip na ang isa sa mga kasama ng suspek, habang hinahanap pa ang isa.
Posibleng sampahan din ng kaso ang kaanak ng suspek ng obstruction of justice. --FRJ, GMA News