Sa kulungan ang bagsak ng 166 personalidad na karamihan ay may kasong murder ang kinakaharap sa isinagawang "Project Paskulong" ng Philippine National Police Region 10. Ang mga suspek, inabangan sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga pamilya sa Pasko at Bagong Taon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mapapanood ang paspasang pagpasok ng SWAT ng Iligan City at Police ng RSOU sa bahay ni Robert Aguilar, hinihinalang hitman at isa sa most wanted ng Region 10 dahil sa dalawang kaso ng murder.
Huli rin ang isa sa most wanted personalities na si Roldan Partolan dahil sa kasong murder sa isa namang hiwalay na operasyon.
Sa Camiguin, inabot ng anim na taon bago nadakip si Jimmy Platero dahil sa kasong murder.
"We implemented 'yung sinasabi naming Project Paskulong where in we're working on the premise that most of these wanted persons na matagal na nating hinahanap would most likely visit their families," sabi ni Police Brigadier General Benjamin Acorda Jr, Regional Director ng PNP PRO 10.
"Since December 1 hanggang sa matapos ang taon marami po tayong nahuli dahil na rin sa pakikipagtulungan ng sambayanan sa ating kapulisan," sabi ni Police Lieutenant Colonel VIc Cabatingan, hepe ng PRO-10 RSOU.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga hinuli, na mga nakakulong na sa mga police station sa iba't ibang probinsiya sa Region 10.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News