Nabasa ang sako-sakong bigas na para sana sa mga nasalanta ng bagyong "Odette" sa Dinagat Islands nang halos lumubog na sa dagat ang bangkang pinagsakyan ng relief goods.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa amateur video na tinutulungan ng mga tauhan ng isang barge ang mga sakay ng bangka na nakalubog na sa dagat.
Galing ang barge sa Surigao City at patungo rin sa Dinagat Islands nang makita ang bangka na halos nakalubog na matapos na pasukin ng tubig.
Sakay ng bangka na galing din sa Surigao City ang 16 na sako ng bigas na ipamamahagi sana sa mga nabiktima ng kalamidad sa isla.
Pero sa sobrang bigat ng karga, bukod pa sa sakay na pito katao, nalubog at pinasok ng tubig ang bangka.
Mabuti na lang at nakita sila ng barge kaya nasaklolohan kaagad. Ligtas ang lahat ng sakay nito.
Samantala, patuloy naman ang pagdating ng mga relief goods sa Dinagat Islands na mula sa iba't ibang sangay ng gobyerno at maging sa mga non-governmental organization.
Truck-truck na may mga dalang food packs ang dumating sa isla para matulungan ang mga nasalanta ng bagyong "Odette." --FRJ, GMA News