Patay ang isang 47-anyos na fish vendor matapos siyang pagtatagain sa Aringay, La Union. Ang isa sa apat na suspek, kapitan ng barangay.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Vic Dulay, ng Barangay Alaska.
Nadakip naman ang dalawa sa mga suspek na si Alaska barangay chairman Johnny Galano at barangay secretary na si Dominador Rolloda.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang dalawang suspek.
Lumitaw na magkakamag-anak ang biktima at mga suspek, na pawang dumalo sa kasal ng isa pa nilang kamag-anak.
Ayon kay Police Captain Lyndon Pang-Ag, Deputy Chief ng Aringay Police station, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang isang suspek at sinubukan nitong hawakan ang biktima pero pumiglas at umalis.
Pumunta umano ang mga suspek sa bahay ni Galano at kumuha ng itak, at saka nagpunta sa bahay ng biktima at na doon naganap ang krimen.
Sinabi naman ng isang kamag-anak ng biktima na napikon umano si Galano kay Dulay dahil sa mga "special request" nito na bahagi ng kasalan bago ibigay ang donasyon.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na sinampahan ng reklamong murder.--FRJ, GMA News