Lima ang sugatan matapos sumabog ang dalawang magkasunod na tricycle na parehong may dalang mga paputok sa Tarlac City.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Salapungan.
Ayon kay Fire Chief Inspector Jacky Ngina, Fire marshall, BFP Tarlac City, bigla na lang sumabog ang nauunang tricycle na may dalang mga paputok, at sumunod na sumabog din ang tricycle na nakasunod nito na may dala ring mga paputok.
Tatlo ang sakay ng unang tricycle na mag-asawa at ang anak nilang apat na taong gulang. Samantalang dalawa naman ang sakay sa kasunod na tricycle.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jake Manguerra, hepe ng Tarlac City police, dalawa sa mga biktima ang malubha ang kalagayan.
"Yung female ay naka-intubate siya. Yung other one ay medyo serious yung injuries. Then yung tatlo ay nasa magandang kondisyon ngayon," ayon sa opisyal.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring insidente.
Posible umanong maharap ang driver ng unang tricycle sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News