Nahuli-cam ang bugbugan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa isang resto bar sa Umingan, Pangasinan. Ang ugat daw ng gulo, ang pagwawala ng isang lalaki na nawalan daw ng P500.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, ipinakita ang cellphone video na nagpupulasan ang ibang kostumer na ayaw madamay sa gulo.
Makikita rin ang ilang kalalakihan na nagsusuntukan sa loob ng resto bar kahit pa may mga umaawat na.
Rumesponde naman ang mga pulis sa lugar at napatigil ang gulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na isang lalaki ang nagwala dahil nawala raw ang P500 niya.
Nang hindi niya makita ang pera, nagbasag siya ng bote at tinamaan ng bubog ang isang grupo ng mga kalalakihan na nasa kabilang lamesa.
Parehong nagtamo ng mga sugat at mga pasa ang mga sangkot sa gulo na mula sa magkabilang grupo.
Nakatakda umanong maghaharap sa barangay hall sa Martes ang mga sangkot sa gulo.
Paalala naman ni Police Major Mark Tubadeza, hepe ng Umingan Police Station, huwag pairalin ang init ng ulo kapag nakainom.
—FRJ, GMA News