Pauwi na sana ang isang lolo na sakay ng kaniyang bisikleta mula sa pinuntahang lamay nang masagi siya ng rider ng motorsiklo sa Dagupan City, Pangasinan. Ang biktima, nasawi.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Benito Pastoral, 72-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa lamay at pauwi na sakay ng kaniyang bisikleta si Pastoral nang masagi siya ng motorsiklo sa McArthur highway sa bahagi ng Barangay Caranglaan.

Sinubukan umano ng rider ng motorsiklo na mag-overtake kaya naagaw nito ang linya ng kalsada ng biktima at nasagi, ayon sa pulisya.

Nabagok ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Ayon pa sa pulisya, kukumpirmahin nila sa ospital ang impormasyon kung nakainom nga ng alak ang rider.

Pero dahil na rin sa kakapusan sa pinansiyal ng pamilya ng biktima, hindi na sila magsasampa ng reklamo laban sa rider basta sagutin nito ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing kay Pastoral.

Wala pang pahayag ang rider ng motorsiklo. -- FRJ, GMA