Isang lalaking sanggol ang isinilang sa Mandaue City Hospital na nagbigay-pag-asa sa mga nurse sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Odette sa lalawigan ng Cebu.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo DZBB nitong Sabado, sinabi ng isang nurse na tinawag nila itong "Baby Odette" kahit na lalaki ang kasarian nito.

Isinilang si "Baby Odette" dakong 1 a.m. ng Biyernes at may bigat na tatlong kilo.

Ayon sa mga nurse, bigla silang nagkaroon ng lakas ng loob matapos makita ang sanggol sa kabila ng kanilang takot sa bagyo.

Samantala, sinalanta rin ng bagyong Odette ang nasabing ospital at tanging ang emergency room na lamang ang nagagamit sa ngayon.

 

—LBG, GMA News