Nahuli-cam ang salpukan ng isang kotse at isang tricycle na may apat na sakay sa Vigan City, Ilocos Sur. Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang driver ng tricycle.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV nitong Biyernes, makikita sa CCTV na kapwa maluwag ang Barangay road ng Bulala, na konektado sa national highway o main road.

Mabilis na tinatahak ng tricycle ang main road, ganoon din ang kotse na nasa barangay road naman.

Pagdating sa panukulan, doon na nagkasalpukan ang dalawang sasakyan na parehong hindi nagmenor.

Tumilapon ang driver ng tricycle sa gitna ng kalsada, habang nasa loob naman ng tricycle ang tatlong menor de ng sakay nito--dalawa ay anak ng driver.

Sa kabutihang-palad, pawang nakaligtas ang lahat ng sakay ng tricycle.

Ayon kay Police Lieutenant Dominic Guerrero, OCI ng Vigan City police, nagkasundo ang magkabilang panig na sasagutin ng driver ng kotse ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga sakay ng tricycle.

Ligtas din ang driver ng kotse per wala pa siyang pahayag sa nangyaring aksidente.

Ipinaliwanag ni Guerrero na ang mga sasakyan na nasa national highway o main road ang may "right of way, o karapatan na magtuloy-tuloy sa pagtakbo.

Ang mga sasakyan na manggaling umano sa secondary o side street ay kailangan na mag-full stop kung papasok sa national road. --FRJ, GMA News