Arestado sa terminal ng bus sa Tuy, Batangas ang isang ama na inirereklamo ng panghahalay sa kaniyang anak na babae na apat na taong gulang lang. Pero ang suspek, itinanggi ang paratang.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na tatakas na ang 60-anyos na suspek kaya hinabol ito ng mga pulis at inabutan sa terminal ng bus.

Ayon pa sa mga awtoridad, batay sa reklamo ay ginagawa umano ng suspek ang panghahalay sa anak kapag wala ang ina nito para magtrabaho.

Mayroon din umanong nakuhang kalibre .38 na baril na may laman na apat na bala sa suspek.

Pero mariing itinanggi naman ng suspek ang bintang laban sa kaniya.

"Hindi ko po ginawa dahil kadarating ko lang galing sa ibang bansa. May asawa ako ikulong niya ako makuha niya lahat ng ari-arian ko," anang suspek.

Nakikipag-tulungan naman ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development para sa biktima na nagkaroon umano ng trauma.--FRJ, GMA News