Binaril sa loob ng public utility vehicle ang isang radio broadcaster sa Cebu City nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Police Major Edgar Labe, hepe ng Waterfront Police Station, ang biktima na si Rico Osmeña, radio broadcaster sa DYLA sa Cebu City.

Batay sa pahayag ng driver ng PUV, sinabi ni Labe na may malay ang biktima matapos barilin ng salarin.

Tinamaan umano ang biktima sa balikat at isinugod sa ospital kung saan siya isinailalim sa operasyon.

Isang babaeng pasahero rin ng PUV ang sugatan sa naturang insidente.

Ayon kay Labe, hinihintay pa nila ang impormasyon mula sa doktor kung tama rin ng bala ang tinamo ng babae o nasugatan dahil sa nabasag na salamin dulot ng pamamaril.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tumakas na salarin at kung ano ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News