Malapitang pinagbabaril ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo ang isang lalaki na bibili ng pintura na sakay din ng motorsiklo sa San Juan, Ilocos Sur.   

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV sa Barangay Resurrection, na pumasok ang biktimang si Elmer Amin, 39-anyos, sa isang maliit na kalye mula sa national highway.

Makikita rin na nakasunod na sa kaniya ang mga salarin.

Nang tumigil si Amin sa tapat ng bibilhan niya ng pintura, tumabi sa kaniya ang mga salarin at pinagbabaril ang biktima.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at tagiliran si Amin at natumba sa kanal.

Tumakas naman ang mga salarin matapos matumba ang kanilang biktima.

Ayon sa pulisya, nakita rin nila sa CCTV na sadyang inabangan ng mga salarin ang biktima.

Kabilang sa anggulong tinitingnan ng mga awtoridad bilang motibo sa krimen ang malaking pagkakautang umano ng biktima at ang kaugnayan niya sa dating mga nakarelasyon niya.

Napag-alaman din na dati nang nagtungo sa himpilan ng pulisya si Amin dahil din sa usapin ng utang. --FRJ, GMA News