Nasawi at nasunog ang bangkay ng isang flight instructor nang bumagsak at magliyab ang pinapalipad niyang Cessna 152 aircraft sa Alaminos, Pangasinan.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nakaligtas at sugatan ang kasama ng biktima na isang student pilot.
Sa pahayag ng CAAP, sinabing nanggaling ang maliit na eroplano sa Fly Fast Aviation Academy.
Lumipad ang eroplano sa mula sa Lingayen Airport dakong 8:22 AM para sa isang orientation flight.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng isang saksi na hindi niya inakalang babagsak ang eroplano dahil wala siyang napansin na may problema ito habang nasa himpapawid.
Sumadsad umano sa pilapil ang eroplano nang lumapag at napunta sa katabing palaisdaan, at nagliyab.
Nakalabas ang pilot student pero hindi na ang flight instructor.
Samantala, inihayag ng CAAP na nagpadala sila ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board's (AAIIB) Go Team sa crash scene para tumulong sa imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng trahediya.
“More information is expected to follow upon the examination of the crash scene. The names of the persons on board the aircraft have been withheld pending notification to their next of kin,” ayon sa CAAP.
Sinabi rin ni CAAP spokesperson Eric Apolonio, ang Cessna 152 ay isang American two-seat, fixed-tricycle-gear, general aviation airplane, na karaniwang ginagamit sa flight training at personal use.—FRJ, GMA News