Mula sa 4,000, itinaas na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City sa 5,000 ang  mga turistang papapasukin sa lungsod bawat araw.

Sa Facebook post, inihayag ng city information na ipatutupad ang dagdag na 1,000 turista bawat araw simula sa December 15.

"Start scheduling before slots run out, go to visita.baguio.gov.ph,” ayon sa anunsyo.

“But more can be actually accommodated if you'll choose and book with accommodation establishments with their own triage, so contact them now,” dagdag nito.

Pinaalalahanan naman ng lokal na pamahalaan ang mga turista na bumiyahe lamang kung aprubado na ang kanilang schedule ng pagpunta sa Baguio.

Ang mga turistang walang QR-coded Tourist Pass (QTP) ay hindi umano papapasukin sa lungsod.

Tanging mga fully vaccinated na turista rin lang puwedeng magtungo sa Baguio.

Ang mga menor de edad na hindi pa bakunado, maaaring magpakita ng negative result ng COVID-19 test. Exempted naman ang mga nasa edad 11 pababa.

Hanggang nitong Martes, dalawang bagong COVID-19 cases lang ang naitala sa Baguio City. Nasa 18 naman ang aktibong mga kaso.—FRJ, GMA News