Patay ang isang 33-anyos na barangay tanod matapos siyang barilin sa harap ng barangay hall sa Villasis, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Wilson Remoblas, tanod sa Barangay Piaz.

Tumakas naman at patuloy na pinaghahanap ang suspek na si Melvin Obaldo.

Sa kuha ng CCTV, makikita na isang motorsiklo at tricycle ang dumating sa barangay hall.

Ayon sa isang saksi, nagpaparesponde sa isang kaguluhan ang dumating na mga lalaki.

Pero nagkaroon ng komosyon nang biglang nagpaputok ang isang lalaki at sinita ng tanod na humantong pamamaril.

"Biglang dumating si Kagawad Ampog [para] sabihin na may rerespondehan kaming nanggugulo sa dike," anang saksi.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at tiyan ang biktima at nasawi.

Hustisya naman ang hiling ng asawa ng biktima.

Dati na raw may hindi pagkakaunawaan ang kaniyang mister at ang suspek pero nagkaayos naman.

Ayon sa pulisya, sasampahan ng kasong murder ang tumakas na suspek. Napag-alaman din na hindi lisensiyado ang baril nito.--FRJ, GMA News