Arestado ang isang miyembro ng Philippine Army dahil sa pagbebenta umano ng iligal na armas sa Cebu City.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong araw ng Linggo, kinilala ang suspek na si Staff Sergeant Cristobal Pantoja, 46, na nakatalaga sa 7th Regional Community Defense Group-Reserve Command Special Service.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, naaresto ang sundalo sa isang buy-bust operation sa Kamagong Parking Range sa Camp Lapu-Lapu.

Nakumpiska mula sa sundao ang dalawang 5.56 mm riffles, tatlong cal. 45 pistols, tatlong cal. 45 magazines, at dalawang firearm silencers.

Ayon kay Gen. Carlos ang buy-bust operation ay bahagi ng kampanya ng PNP laban sa pagkalat ng mga iligal na armas upang matiyak ang ligtas at mapayapang eleksyon sa susunod na taon.  —LBG, GMA News