Ilang kabataan sa Tagkawayan, Quezon na nangangarap maging guro ang nakaisip ng paraan upang makatulong sa komunidad ngayong panahon ng pandemya.
Sila ay mga estudyante sa Grade 12 ng Tagkawayan National High School na kumukuha ng Humanities and Social Sciences.
Dahil wala pang face-to-face classes sa lugar, naisip ng grupo na gumawa ng mobile library sa riles ng tren. Tinawag nila itong “Padyak Pabasa.”
Layunin ng grupo na maabot ang mga kabaatan na naninirahan sa tabi ng riles.
Ginamit ng grupo ang trolley o skates upang gawin itong mobile library. Sila na mismo ang nagtutulak dito sa riles. Lulan ng trolley ang mga aklat, lapis, papel, crayons, coloring book at iba pang gamit sa eskwela.
Sa unang araw pa lang ng kanilang “Padyak Pabasa” ay maraming bata na ang tumangkilik dito. Lahat ay masaya at tinanggap ang handog ng mga estudyante. Mayroong nagturo kung paano sumulat, nagturo kung paano bumasa at ang iba naman ay nakinig sa mga kwento ng grupo.
Ayon sa grupo, ipagpapatuloy nila ang proyektong ito kahit sila ay makatapos na ng pag-aaral sa senior high.
Nagpapasalamat daw sila kanilang mga guro dahil pinayagan silang maisakatuparan ang proyekto. —LBG, GMA News