Patay ang isang-taong-gulang na babae sa Cadiz City, Negros Occidental, matapos siyang tamaan ng ligaw ng bala habang pinapadede ng kaniyang ina sa loob ng kanilang bahay.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Caduha-an sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa pulisya, pinapadede ng ina ang biktima nang may nadinig siyang tila tumama sa dingding ng kanilang bahay.

Nang tingnan niya ang anak, nakita niyang dumudugo na ang ulo ng biktima.

Dinala ang bata sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sinabi naman ni Police Lieutenant Alfonso Precia, Deputy Chief ng Cadiz-CPS, kusang-loob na sumuko ang suspek na si Nomar Berto, miyembro ng Bantay-Dagat, at residente rin sa lugar.

Isinuko rin ni Berto ang kaniyang kalibre .45 na baril.

Ayon kay Precia, handa umano si Berto na harapin ang isasampang kaso laban sa kaniya.

"Alam naman niya na siya lang ang nagpaputok. Usually, parati siyang nagpapapaputok...Nagpapaputok siya na walang dahilan," dagdag ni Precia.


--FRJ, GMA News