Dalawang aksidente ang naganap sa magkaibang araw pero sa magkaparehong lugar sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City sa Pangasinan, na ikinasawi ng tatlong tao--kabilang ang isang menor de edad.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV ang pagsalpok ng motorsiklo sa poste at tumama rin sa pader sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa barangay.

Ayon sa isang residente, nagtamo umano ng mga sugat ang nasawing rider ng motorsiklo.

Kung pagbabasehan ang CCTV, mabilis ang takbo ng motorsiklo nang mawalan ng kontrol at maaksidente.

Hinala ni Richard Ibasan, chief tanod ng barangay, posibleng bago lang sa lugar ang biktima kaya hindi kabisado ang kalsada.

Maaari din umanong nakainom ang rider kaya hindi napansin na pakurbada ang bahagi ng naturang daan.

"Diniretso niya yung kalsada hindi niya alam na sharp curve po. Kung hindi po lasing 'yon alam niya po ang daan, makikita niya yung both side niya na may line naman yung kalsada," paliwanag niya.

Sa hiwalay na ulat ng nitong Lunes, nasawi rin sa nasabing lugar ang isang 25-anyos na rider at kaniyang angkas na 14-anyos.

Nakuhanan din ng CCTV ang naturang aksidente at  makikita ang pagsimpleng ng motorsiklo ng mga biktima sa palikong kalsada.

 


Dumausdos ang mga biktima at saka tumama sa nakaparadang trak sa gilid ng daan.

Ang naturang trak, makikita rin na nakaparada sa lugar nang mangyari ang pinakabagong aksidente.

Hinihinala ng awtoridad na posibleng may sasagutin na tawag sa cellphone ang rider kaya hindi na napansin ang pakurbang kalsada.

Nakita pa sa tabi ng sumemplang na motorsiklo ang cellphone na nagri-ring pa.
--FRJ, GMA News