Huli sa entrapment operation sa Cavite ang isang 63-anyos na babae na nagpapanggap umanong konektado sa Pag-IBIG Fund at nagbebenta ng mga bahay at lupa na hindi naman totoo.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Trinidad Dumpit, na inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police.
Sa video, kaagad na nilapitan ng mga awtoridad si Dumpit matapos niyang tanggapin ang "markadong pera" na ibinigay ng isa niyang biktima.
Nang maaresto ang suspek, lumapit na rin ang iba pa niyang nabiktima umano.
Ayon sa pulisya, modus ni Trinidad na magpapakilalang konektado sa Pag-IBIG Fund, at iaalok umano sa mga biktima ang mga foreclosed property sa mas murang halaga pero hindi naman totoo.
Inihayag naman ng Pag-IBIG Fund na hindi konektado sa kanila si Trinidad.
Sa pagtaya ng pulisya, umaabot sa P10 milyon ang nakuha umano ni Trinidad sa unang grupo ng kaniyang mga nabiktima na kinabibilangan ng overseas contract workers at kawani rin ng gobyerno.
Tumangging magsalita ng suspek at ang abogado lang daw niya ang sasagot sa mga tanong ng mga nagrereklamo laban sa kaniya.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga nais na magkaroon ng bahay na tiyakin sa kinauukulang ahensiya ang property na bibilhin at kilalanin ding mabuti ang katransaksiyon.--FRJ, GMA News