Arestado ang isang lalaki na isa sa most wanted sa Central Luzon matapos siyang matiyempuhan ng mga awtoridad habang pabili ng panabong na manok sa Zambales.
Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Melvin Ellano, na tatlong taong nagtago dahil sa patong-patong na kaso.
Nagpalipat-lipat si Ellano sa Maynila, Visayas at Mindanao, hanggang sa matiyempuhan siya ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Colonel Romano Cardiño, Provincial Director ng Zambales PNP, iniulat agad ng barangay information network ang suspek nang umuwi ito sa bayan ng San Marcelino.
May dalawang kaso ng robbery si Ellano, isa sa Olongapo at isa sa Bataan. Sangkot din ang lalaki sa illegal possession of firearms at sa pagbebenta ng ilegal na droga.
"Maganda na rin po siguro na nahuli ako, para po mapatunayan ko na wala akong kasalanan," giit ng suspek.
"Ang pagkakahuli sa kaniya ngayon ay mababawasan ang mga kilalang nagbebenta ng ilegal na droga dito sa probinsya ng Zambales," sabi ni Cardiño. —Jamil Santos/VBL, GMA News