Inoperahan ang isang 2-anyos na babae sa Makilala, Cotabato matapos nakalunok ng pisong barya sa Makilala, Cotabato.

Sa ulat Corrine Catibayan sa "Unang Balita" nitong Biyernes sinabing binigyan ang bata ng barya upang pansamantalang malibang.

Kwento ng ina, may sinasagutan siyang learning module nang biglang huminggi ang kanyang anak ng pagkain.

Umuulan daw noon kaya hindi na nakabili ng pagkain ang nanay. Binigyan na muna niya ang anak ng tatlong tigpi-pisong barya.

Nagulat na lamang siya nang makitang isinubo ng bata ang mga barya. Agad namang dinukot ng nanay ang mga barya ngunit ang isa ay nalunok na ng kanyang anak.

Isinugod kaagad ang bata sa ospital. Nakita sa X-Ray ang nakabarang barya sa kanyang lalamunan.

Sumailalim na sa operasyon ang bata at matagumpay namang nakuha ang barya.

Sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na ang bata at nagpagaling matapos ang operasyon. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News