Kalunos-lunos ang kalagayan ng mga aso na dinala sa isang dog pound sa Asturias, Cebu. Ang ilan sa kanila, namatay na at kinakain ng mga kapuwa nila aso na pinaniniwalaang gutom na gutom na.
Sa ulat ni Niko Sereno sa GMA Regional TV "Balitang Bistak," ipinakita ang nag-viral na video sa Facebook na makikita ang mga payat na aso, at may mga aso na kinakain na ang mga patay nilang kapuwa-aso.
Pinakawalan at pinakain ang mga aso ng mga taong nagmalasakit sa kanila.
Ang mga aso ay sinasabing hinuli sa kalye matapos na ipatupad noong Setyembre ang Asturias Dog Care and Anti-Rabies Ordinance ng munisipalidad.
Bukod sa liblib ang lugar sa Barangay Langub na kinaroroonan ng dog pound, mabaho umano ang kulungan at tila walang nag-aasikaso sa mga hayop.
Ayon sa isang barangay official, pansamantala lang dapat ang paglalagay sa mga aso sa nabanggit na lugar na ililipat umano sa San Pedro.
Iniutos naman ng lokal na pamahalaan na imbestigahan ang insidente at alamin kung sino ang may pananagutan sa nangyari. --FRJ, GMA News