Hindi man na maibabalik ang buhay ng kaniyang 66-anyos na mister na karpintero na nasawi matapos masagasaan ng truck, tanging hiling ng kaniyang biyuda na maibalik sana sa kanila ang lagari ng kaniyang mister na 20 taon nitong kasama sa hanapbuhay at natitirang alaala para sa kanila.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing sakay ng bisikleta at pauwi na sana ang biktimang si Mario Dapiton galing sa trabaho nang mangyari ang trahediya sa Ulas Bypass Road sa Davao City.
Habang bumibiyahe, nalaglag umano ang lagari ni Dapiton kaya binalikan niya ang gamit at nangyari na ang trahediya nang masagasaan siya ng dump truck.
Sa larawan nang mangyari ang insidente, makikita pa ang lagari sa pinangyarihan ng sakuna.
Ayon sa asawa ni Dapiton na si Corazon, sadyang masinop sa gamit ang kaniyang mister lalo na sa lagari nito na 20 taon nang gamit ng biktima sa pagkakarpintero.
Kaya hiling ng biyuda, ibalik sana sa kanila ang lagari na nakaukit ang pangalan ng kaniyang mister dahil nagsisilbi itong alaala ng kaniyang mapagmahal na asawa at responsableng padre de pamilya.
Nagkasundo na rin umano ang panig ng pamilya ng biktima at ng driver ng truck kaugnay sa pagpapalibing kay Dapiton.--FRJ, GMA News