Natagpuan sa isang liblib na lugar sa Barangay San Nicolas sa Buenavista, Guimaras ang mga buto ng 17-anyos na babae na nauna nang iniulat na nawawala ng kaniyang mga magulang.

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing Sabado ng hapon nang makita ng isang residente ang mga buto ng tao, na kaniyang ipinaalam sa mga awtoridad.

Nang puntahan ng mga pulis ang lugar, nakita rin ang mga damit na pinaniniwalaang suot ng dalagita.

Sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon, natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na iniulat ng mga magulang na nawawala mula pa noong Agosto.

Unang inakala ng mga magulang ng dalagita na nakikitira lang sa kanilang ibang kaanak ang biktima. Pero kinalaunan, nalaman nila na ibang tao na ang may hawak ng cellphone ng dalagita at pati na ang kaniyang social media account.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na ang nakitang huling kasama ng biktima ay ang nobyo nito na Alexander Canonigo, 20-anyos.

Nagkita raw ang dalawa noong Marso at sinabi ng dalagita na nais na nitong makipaghiwalay sa nobyo, ayon kay Police Captain Anton Von Winkle Lamson, acting-chief of police ng Buenavista-MPS.

Sinabi umano ng suspek na sumuko nitong Linggo, na hindi niya kinaya na makipaghiwalay sa kaniya ang dalagita.

Nang tumalikod ang biktima, niyakap umano niya nang mahigpit ang dalagita, na sa sobrang higpit ay parang nasakal niya na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Ayon pa kay Lansom, sinabi rin umano ng suspek na inilagay niya sako ang katawan ng biktima at dinala sa liblib na lugar kung saan nakita ang kaniyang kalansay.

Hindi naman makapaniwala ang ama ng biktima sa sinapit ng anak.

Mahaharap sa kasong murder ang nobyo ng biktima.--FRJ, GMA News