Apat na Chinese national ang patay matapos na manlaban umano sa mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Angeles, Pampanga. Nasabat sa kanila ang 38 kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P262 milyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa video sa ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay na kinaroronan ng mga suspek.
Pero pagpasok pa lang sa gate ng mga awtoridad, madidinig na ang sunod-sunod na putok ng baril.
Nang tumigil ang putukan, patay ang mga suspek na sina Cai Ya Bing, Erbo Ke, Huang Guidong at Wuyuan She.
Bukod sa mga baril, nakita rin sa mga suspek ang mga pinaniniwalaang shabu na nakapplastik na aabot umano ang halaga sa P262 milyon.
Ayon sa mga awtoridad, sa naturang bahay umano nanggaling ang nasabat na van sa DasmariƱas, Cavite, na naglalaman ng 240 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 bilyon.
Dalawang suspek ang naaresto sa naturang operasyon sa Cavite.
Wala namang nasaktan sa panig ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Pampanga. --FRJ, GMA News