Matinding pagmamahal sa alagang aso ang ipinakita ng isang lolo sa Candon, Ilocos Sur, na hindi raw magpapa-rescue kahit nakalubog na sa baha ang kaniyang bahay kung hindi niya maisasama ang kaniyang alaga.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nakatira sa gitna ng bukid sa Barangay Ayudante si lolo Lito Gabuat, 71-anyos, nang magkaroon kamakailan ng malakas na ulan sa lalawigan.
Sa lakas ng ulan, nagmistulang ilog ang bukid at nalubog sa lampas tao na baha ang kinalalagyan ni lolo Lito.
Kuwento ng apo na si John, madaling araw pa lang sana ay sasagipin na nila ang kanilang lolo pero hindi na nila kinaya dahil sa taas ng tubig.
Kaya inabot ng halos kalahating araw na nakababad sa tubig si lolo Lito, kasama ang kaniyang aso bago sila nasagip ng kaniyang apo, mga residente at mga awtoridad.
Sa isang video, makikita ang mga tao na tulong-tulong sa pahatak sa lubid na nakakabit kina lolo Lito at kaniyang aso, kasama ang mga rescuer na pumunta sa kanila.
Ayon kay John, ayaw daw ng kaniyang lolo na sumama sa rescue kung hindi isasama ang kaniyang aso.
Kahit na nang dadalhin na siya sa rural health clinic para masuri, ang aso pa rin daw ang inaalala ni lolo Lito.
Sa mensaheng ipinadala ni lolo Lito, sinabi niya na miyembro na ng pamilya ang turing niya sa kaniyang alaga.
"Siyempre pamilya na ang turing ko sa aso ko. Kaya kahit anong mangyari, magkasama pa rin kami. Kung mamatay man ako, magkasama kami," sabi niya.
Ligtas na at nakauwi na sa kanilang bahay si lolo Lito at ang kaniyang aso.--FRJ, GMA News