Hinangaan ang isang pulis sa Davao City dahil sa kanyang katapatan, matapos isauli ang napulot na sobre na may laman na halagang mahigit P300,000.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), si Police Corporal Rene Getigan ay nagsasagawa ng isang mobile beat patrol sa Buhangin, Davao City, nang may makita siyang puting sobre na naglalaman ng pera at maraming mga tseke.
Agad siyang bumalik sa Buhangin Police Station upang humingi ng tulong para matagpuan ang may-ari ng sobre.
Ang laman ng sobre ay may kabuuang halaga na P309,645.00.
Napag-alaman na ang may-ari ng sobre ay isang kolektor sa Metal Flow Hardware sa Davao City. Naibalik na sa kanya ang perra.
Pinuri ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang katapatan ni Getigan.
“Ito ay isang patunay lamang na mas higit na nakakarami ang mga pulis na tapat at maasahan sa kanilang sinumpaang tungkulin,” ani ni Eleazar.
“Ito naman ang gusto nating ipatupad na reporma sa PNP, na ang bawat pulis ay maging matapat at maasahan ng taumbayan na aming pinagsisilbihan,” dagdag pa niya. —Richa Allyssa Noriega/LBG, GMA News