Umabot na sa 97 ang nasawi dahil sa COVID-19 sa Mangaldan, Pangasinan. Kabilang na rito ang isang ama at dalawa niyang anak na residente ng Barangay Bari, magkakasunod na binawian ng buhay.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, napag-alaman sa tala ng Rural Health Unit, na pumanaw ang 75-anyos na ama noong Setyembre 18.
Kinabukasan, Setyembre 19, binawian naman ng buhay ang kaniyang anak na 47-anyos. At nitong Biyernes, sumunod na rin pumanaw ang isa pang anak na 46-anyos.
"Most likely nakuha nila lang din [ang virus] doon sa community nila," ayon kay Dr. Racquel Ogoy, COVID-19 Focal Person, Mangaldan-RHU.
Lumilitaw din mayroong comorbidity condition ang dalawang anak na nasawi.
Ayon kay Ogoy, may history ng stroke ang isang anak at may hypertension naman ang isa pa.
Sa ngayon, tatlong pang kaanak nila ang inoobserbahan at naka-isolate.
Patuloy ang paalala ng mga health authorities na sundin ang health protocols para maiwas sa sakit.--FRJ, GMA News