Mas mura at mas maganda raw ang hitsura ng mga carrots na galing China kaya mas binibili ito sa mga palengke. Ang mga magsasaka sa Benguet, dumaraing dahil apektado ang kanilang produkto.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, nagpahayag ng pagkabahala ang Benguet Farmers Cooperative dahil sa umano'y pagdating ng mga carrots na mula sa China.
“Sa ngayon, talamak na kasi. Halos lahat ng markets dito ay marami nang smuggled or imported na mga carrots talaga,” ayon kay Agot Balanoy, presidente ng kooperatiba.
“We call them smuggled kasi sabi naman ni BPI [Bureau of Plant Industry] wala silang in-approve na permit na magpapasok ang Pilipinas ng mga imported vegetables. Therefore, it must be smuggled,” dagdag niya.
Bukod sa mas mura at malalaki ang carrots na galing sa China, mas matagal din daw mabulok ang naturang gulay na ipinuslit sa bansa.
Para hindi malugi ang mga nagtitinda ng mga carrots na galing sa Benguet sa Divisoria, ibinababa na nila ang presyo nito.
Naglalaro umano sa P50 per kilo ang imported carrots kumpara sa Benguet carrots na nasa P60 hanggang P70, at kung minsan ay umaabot pa ng P120 per kilo.
Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA), na walang inaprubahang import permits ang Bureau of Plant Industry para sa carrots.
Nilinaw din ng DA na maganda ang kalidad ng mga gulay na galing sa Pilipinas.
“‘Yan ang hindi ko nga alam, eh, kasi mura lang naman ang carrots, eh. Napakamura so hindi natin malaman kung bakit mayroon ganyan… Kung ganyan baka smuggled or whatever,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes.
Nakikipag-ugnayan na ang DA sa ibang ahensiya kaugnay sa mga imported na carrots.
Nanawagan naman si Balanoy sa publiko na ang produkto na galing sa Pilipinas ang bilhin.
“We hope na ang tangkilikin natin ay ‘yung local produce natin kasi ano naman siya— at least, mas safe,” ani Balanoy.— FRJ, GMA News